Ang takbo ng buhay kadalasan ay sumasabay sa agos ng mga pagbabagong bunga ng mga pangyayari sa paligid. Kapag may bago eh siguradong kasama tayong nahahahatak patungo dito.
Hindi exempted dito ang mga OFW na kahit saan yatang panig ngmundo eh, siguradong may makikita ka na nagtitiyagang malayo sa Pilipinas para lang mabigyan ng maganda at disenteng buhay ang naiwang pamilya dito. Aminin na natin, ang mahirap na sistema sa paghahanapbuhay dito sa 'Pinas, bukod pa sa mababang pasahod ang dahilan kung kaya maraming nagbabakasakaling lumabas ng bansa upang magtrabaho.
Ang pinakamatinding kalabang ng isang OFW ay ang homesick. Alam ko 'yan dahil naranasan ko 'yan nu'ng ako'y nag-Hong Kong. Isipin niyo na lang ang hirap na habang nasa departure area ka pa lang ng NAIA eh,tumutulo na ang luha mo habang kumakaway sa 'yo ang asawa't mga anak mo. Ano pa kaya pagdating mo sa bansang pupuntahan mo ang mararamdaman mong pangungulila sa kanila? Halos kumupas na ang litrato ng pamilya mo dahil basambasa na ng laway mo sa kakahalik dito bukod pa sa ilang beses na rin itong natuluan ng luha mo.
Hindi mo ito gaanong mararamdaman ang homesick sa araw habang nagtatrabaho ka dahil kahit paano'y nalilibang ka at hindi mo namamalayan ang oras. Pero pagsapit ng gabi at nakahiga ka na bago matulog, ito ang pinakamahirap para sa isang OFW. Kung mahinahina ka eh, siguradong bibigay ka at malamang kesa hindi, bumalik ka agad sa Maynila at pagtaguan mo na lang lahat ng inutangan mo para sa placement fee bago ka nag-abroad.
Anyway, salamat na lang at mga henyo sa daigdig ng teknolohiya at nakatulong talaga ng malaki para sa mga OFW na pilit na nilalabanan ang homesick at pananabik sa pamilya. Noong araw, mahigit isang linggo ang inaabot para makarating sa 'yo ang sulat ng kaanak mo. At mahigit isang linggo ulit bago makarating sa kanila ang sagot na sulat mo. Imagine, halos tatlong linggo kung susumahin ang sagutan ninyo? Nauso pa nga ang voice tape na ipapakidala mo pa kung may uuwi sa Pilipinas. Pero ngayon, meron ng text, e-mail at mga messenger na instant basa at instant sagot agad.
Noong araw, puwede ka namang tumawag sa telepono para makausap sila sa Pilipinas. 'Yun nga lang, pagdating ng telephone bill mo eh halos himatayin ka sa laki ng babayaran mo bunga ng sampung minutong pag-uusap niyo. Pero ngayon, ang laki na ng ibinaba ng IDD rates sa mga phonecards at libre pa nga kung FB Messenger, Skype o Viber ang ginamit niyo. May bonus pang video kung saan eh makikita mo sila nang live sa screen.
Noong araw, umalis ka sa Pilipinas na sikat na sikat pa si Rossana Roces kaya pagbalik mo sa Maynila, akala mo, siya pa rin ang sikat. 'Yun pala eh hindi ka na updated sa mga showbiz at political happenings sa Pilipinas. Pero ngayon, dahil sa Internet eh napapanood mo na sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo kahit nasa kadulu-duluhan ka pa ng Africa. Meron na kasing Youtube at kung anu-ano pang websites para makapanood ka ng iba't ibang shows at news ng mga local channels natin. Pati mga nangyayari, hindi lamang sa buhay ng pinakamalapit mong kapamilya eh namomonitor mo. Pati lahat ng kakilala mo sa buong mundo eh nasusubaybayan mo dahil sa mga social networking sites.
Suwerte na ngang maituturing ang mga OFW ngayon kumpara noong nagsa-Saudi pa ang mga tatay natindahil hindi natin naranasan ang dinanas nila kung saan unan lang na kayakap ang kakampi nila sa gabi tuwing nangungulila sila sa pamilya. Atleast, ang mga OFW ngayon eh "One Click Away" na lang para makausap, makita at makibalita sa mga mahal nila sa buhay.
Maraming salamat talaga sa mga henyong nakaisip umimbento ng ganito. Sabi nila, masama raw ang sobrang teknolohiya. Pero para sa 'kin, malaki ang naiambag nito sa mga Pinoy na sobrang hirap ang dinaranas sa ibang bansa lalo na kung emosyon ang pag-uusapan